Ito ang ikatlong bahagi ng isang seryeng may apat na yugto. Basahin ang unang bahagi at ikalawang bahagi.
Sa paghingi natin ng mass testing, importanteng maintindihan natin na walang test para sa COVID-19 na isandaang porsyentong tama sa lahat ng oras.
Ayon sa paliwanag ni Salvana sa isang Facebook post noong April 3, may dalawang probabilidad o batayan na tinitingnan sa pagsukat ng accuracy ng test.
Una’y ang sensitivity, o kung gaano kadalas lumabas ang resultang positive kung talagang may sakit nga ang pasyente. Kapag mataas ang sensitivity, mas mababa ang chance na magkaroon ng false negative na resulta. Nakasasama ang false negative na resulta, kasi kapag hinayaan mong gumala ang taong akala mo’y walang sakit pero meron pala, kakalat lalo ang sakit.
Ang ikalawa naman ay specificity, o kung gaano kadalas lumabas ang resultang negative kung talagang wala namang sakit ang pasyente. Kapag mataas ang specificity, mas mababa ang chance na magkaroon ng false positive na resulta. Nakasasama rin ang false positive na resulta, sapagkat kapag ipina-ospital mo ang taong wala namang COVID-19, baka doon pa siya mahawa.
Hindi rin lahat ng COVID-19 test ay pare-pareho—at hindi lahat ay angkop sa klase ng mass testing na kailangan ng Pilipinas.
Bakit may iba’t-ibang klase ng COVID-19 testing—at alin ang dapat gamitin sa mass testing?
Ayon kay Trinidad, may dalawang klase ng test. “Ang unang klase ng test tinitingnan kung merong SARS-CoV-2 virus sa katawan ng isang pasyente. Ang klase ng testing na ito ay ginagawa gamit ang tinatawag na Reverse Transcriptase-Polymerase Chain Reaction, o RT-PCR. Ang kinokolektang specimen dito ay swab sa ilong at/o bibig ng isang pasyente (nasopharyngeal and/or oropharyngeal swab).”
Upang magawa ang RT-PCR test ay kailangan ng PCR machine, paliwanag ni Salvana sa kanyang Facebook post. Mataas ang sensitivity and specificity nito: Sa bawat sampung test, siyam na beses na tama ang reading. Kaso, pwedeng mali ang resulta, depende sa kung paano kinuha ang sample mo (swab na ipinapadaan sa ilong ang kadalasang paraan, kasi mas ligtas at maaasahan ito) at kung ilang araw nang may sintomas ang pasyente.
Ayon kay Salvana, ito rin ang dahilan kung bakit may mga paulit-ulit na tine-test; ‘yung iba kasi, negative ang unang test, pero parang lumalala ang sintomas sa paglipas ng araw. Dagdag ni Salvana na hindi rin pwedeng gawin ‘to sa maski saang laboratoryo ng ospital lang, kahit may PCR machine sila. Kailangan kasing pasado sa safety standards ang laboratoryo, at kailangan i-train ang mga gagawa ng ganitong test.
“Mas maraming mga kagamitan din na kailangan ito,” sabi ni Trinidad, “bukod pa sa PCR machine at sa mga PCR kits para magawa ang testing.”
Ang pangalawang klase ng test naman ay ang tinatawag na antibody test. “Kapag nagkakaroon ng sakit ang isang tao, gumagawa siya ng panlaban para sa sakit na ito, ang tawag ay antibodies,” paliwanag ni Trinidad. “Ang kinokolektang specimen dito ay dugo. Ngunit ang antibodies ay kailangan ng oras para gawin ng katawan, kaya hindi ito nagiging positibo hanggang mga ilang araw nang may sintomas ang isang pasyente.”
Minsa’y tinatawag na “rapid” test ang antibody test dahil mas mabilis makuha ang resulta nito kaysa sa RT-PCR. Nilinaw naman ni Trinidad na kailangan pa ring suriing mabuti ang isang test na “rapid test” ang tawag, sapagkat may mga “rapid PCR test” din. “Laging tanungin: RT-PCR ba ito o antibody?”
Mas madali gawing ang antibody tests, ayon kay Trinidad, dahil mas maiksi ang prosesong ito, at hindi kailangan ng mas espesyal na laboratoryo at equipment para dito. Subalit, iginiit din niya na ang antibody tests ay HINDI naangkop para sa klase ng mass testing na hinihingi para sa mga Pilipino.
“Kasama sa malawakang testing ay mga taong walang sintomas (kabilang na ang mga healthcare workers at mga nakasalamuha ng mga taong may COVID-19 sa listahan), at hindi sila [automatic na] magpopositibo sa antibody tests kahit sila ay nahawaan na ng virus. Tandaan na kailangan pang gawin ng katawan ang antibodies bilang tugon sa sakit, kaya hindi ito magpopositibo sa mga taong kakahawa pa lang.”
Ipinaliwanag naman ni Salvana na hindi masyadong maaasahan ang mga mabilisang antibody test dahil maaaring false positive ang lumabas kung may ibang coronavirus pala (e.g. sipon, flu) na nilalabanan ang antibodies ng katawan.
Anu-ano ang kailangan upang maisagawa ang mass testing?
Ang pagkakaroon ng tunay na mass testing sa Pilipinas ay nakasalalay sa pagpapataas ng testing capacity ng bansa.
“Kapag walang mataas na kapasidad ang mga laboratoryo natin, paano natin ite-test ang mga tao na kailangan i-test, lalo na kung magkaroon ng biglaang pagtaas ng numero ng mga kaso?” paliwanag ni Rabajante. “Isang halimbawa, may healthcare worker na may nakasalamuha na positive sa COVID-19. Kung hindi sya ite-test, ipapa-quarantine sya ng 14 na araw. Tapos sa totoo, negative pala sya. Sayang yung serbisyo na maibibigay n’ya sana. Ganun din kung na-test nga sya pero late dumating ang test result.”
Ayon sa Scientists Unite Against COVID-19, may tatlong pangangailangan na dapat matugunan ng pamahalaan upang magkaroon ng sapat na kapasidad para sa mass testing.
Una’y ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng COVID-19 testing kits. Ayon sa grupo, maliban sa mga lokal na kit na ginagawa’t ginagamit ng UP National Institutes of Health, kailangan pang bumili ng kit o paramihin ito sa pamamagitan ng mga donasyon.
Pangalawa’y ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng kagamitan at pasilidad. Kabilang na rito’y ang mga RT-PCR machines at BSL-2 labs na kailangan para sa testing. Ang ibig sabihin ng BSL-2 ay Biosafety Level 2: ang mga ganitong laboratoryo ay may mga biological safety cabinet (BSC) upang mapigilan ang pagkalat ng impeksyon sa hangin, mga pintong self-closing, at mas mahusay at modernong pasilidad para sa paglilinis at decontamination. Kailangan kumuha ng accreditation ng mga ganitong laboratoryo mula sa DOH bago sila magamit para sa pag-proseso ng test results.
“Ang pamahalaan, lalo na ang DOH, ang namamahala sa accreditation ng mga laboratoryo na puedeng gumawa ng mga tests para sa COVID-19, kasama ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at WHO,” paliwanag ni Trinidad. “Binibisita nila ang mga laboratoryo na ito at tinitingnan kung ang mga facilities at equipment ay nasa tamang standards para sa testing, para masigurado na ito ay makakapaglabas ng tamang resulta, at hindi mahahawa ng COVID-19 ang mga magtatrabaho sa mga laboratoryo na ito.”
Ikatlo’y ang pagkakaroon ng sapat na tauhang may tamang training para gawin nang maayos ang testing. Inilahad ng grupo na maraming mga eksperto’y siyentipiko sa bansa na handang mag-volunteer at tumulong sa pag-test; kailangan lamang nila ng institusyon na gagabay sa kanila. (Basahin ang Part 4 dito.)
References
- https://www.facebook.com/edselmaurice.salvana/posts/10207397721056768
- https://www.facebook.com/TestCOVID19PH/posts/105115571130347?__tn__=-R&_rdc=1&_rdr
Author: Mikael Angelo Francisco
Bitten by the science writing bug, Mikael has years of writing and editorial experience under his belt. As the editor-in-chief of FlipScience, Mikael has sworn to help make science more fun and interesting for geeky readers and casual audiences alike.