Pinatubo, eruption, volcano
Dave Harlow/USGS

Tatlong dekada na ang lumipas mula nang masaksihan ng mundo ang kapangyarihan ng bulkang Pinatubo.

Pumutok ito noong ika-15 ng Hunyo, 1991 – ang pangalawang pinakamalakas na pagsabog ng bulkan sa ika-20 siglo. Ang pagsabog ng Pinatubo ay nagdulot ng matinding pag-agos ng lahar (pinaghalong putik at nagbabagang lava) at pag-akyat ng usok at abo sa kalangitan. Mahigit sa 800 katao ang nasawi sa pinsalang dulot ng pagsabog, at sa pagbagsak ng abo’y tila nawalan ng kulay ang buong paligid.

Bago ito nangyari, mahigit 500 taong nanahimik ang Pinatubo. Noon, ang bulkan at ang mabababang lupaing nakapalibot dito ay may makapal na kagubatan. Ang tahimik na kapaligirang ito ang nagsilbing tahanan hindi lamang ng mga katutubong Aeta, kundi pati na rin ng iba’t ibang uri ng halaman at hayop.

Binago ng pagputok ng Pinatubo ang lahat ng ito. Maraming eksperto ang nangambang ang mga species na dati’y nabubuhay dito’y tuluyan nang napuksa at nilamon ng bagsik ng bulkan.

Subalit may ilan ding hindi nawalan ng pag-asa. Isa sa kanila ay ang biologist na si Danilo “Danny” Balete.

Pagsasaliksik ni Balete

Noong 2011 at 2012, pinangunahan ni Balete ang kauna-unahang malawakang pag-survey ng mga mammal sa paligid ng bulkang Pinatubo, katuwang ang Field Museum of Natural History sa Chicago, U.S.A. Sa loob ng ilang buwan, nakipagtulungan sina Balete sa mga Aeta upang suriin at suyurin ang dati’y malawak na kagubatan ng Pinatubo, sa pag-asang maitala at mapag-aralan ang kalagayan ng mga mammalian species doon.

Nakita nilang hindi naging sapat ang dalawang dekada upang maibalik ang sigla ng kapaligiran. Ang lupa roo’y patuloy ang pagguho dahil sa naipong lahar at abo, at ang matatarik na lupa’y naging malaking banta sa kaligtasan ng mga mananaliksik. Ang dating kagubatan ay napalitan ng mga talahib, palumpong, baging, at ilang puno.

Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin nina Balete ang pag-survey sa paligid ng Pinatubo. Dahil sa kakulangan ng datos at specimen, ang ginamit nilang basehan sa pag-survey ay mga lumang record ng mga paniki’t daga na napangalagaan ng museo mula pa noong 1950s.

Pagkatapos ng kanilang pagsasaliksik, bumalik si Balete sa Field Museum. Inayos niya ang nakalap nilang datos, nagsagawa ng paunang analysis nito, at panandaliang itinabi ang research. Binalak niyang sa kalaunan ay matapos at maibahagi ang impormasyong ito sa publiko. Bilang research associate sa museo, ilang buwan lang nandoon si Balete; bilang advocate sa pagpapalaganap ng kaalaman at pagmamahal para sa mga species at kalikasan ng Pilipinas, marami siyang ibang responsibilidad at proyekto.

Sa kasamaang-palad, hindi natapos ni Balete ang pagsasaliksik sa Pinatubo na kanyang sinumulan. Noong 2017, sa edad na 56, biglang pumanaw ang alagad ng kalikasan.

Ang misteryosong Pinatubo volcano mouse

Dahil dito, napagdesisyunan nina Dr. Lawrence R. Heaney at Dr. Eric A. Rickart na ipagpatuloy ang naiwan ni Balete, bilang pagpupugay sa kanilang kasamahan.

Ang pag-aaral na pinangunahan ni Balete ay nakapagtala ng labimpitong hayop: walong uri ng paniki, pitong uri ng daga, isang baboy-ramo, at isang usa. Sa karanasan ng mga dalubhasa, kapag ang isang kagubatan ay nawala, kasama nitong naglalaho ang mga kakaibang halaman at hayop na nakatira rito. Kadalasa’y ang pumapalit ay mga peste mula sa ibang lugar, tulad ng mga malalaking daga.

Laking gulat nina Heaney at Rickart nang malaman nilang ang hayop na nakapagparami nang lubos sa paligid ng Pinatubo ay isa sa mga hayop na akala nila’y napuksa ng pagsabog nito.

Noong ginagawa niya ang pag-aaral, isa sa mga pinagtuunan ng pansin ni Balete ay ang paghahanap sa isang natatanging species ng daga: ang Apomys sacobianus, na mas kilala bilang long-nosed Luzon forest mouse o Pinatubo volcano mouse. Pinangalanan ito noong 1962 mula sa nag-iisang specimen na natagpuan noong 1956 sa gilid ng ilog Sacobia, isa sa mga daluyan ng tubig malapit sa bulkan. Dahil dito’y konti lang ang alam natin tungkol sa maliit at misteryosong hayop na ‘to.

pinatubo volcano mouse, Apomys sacobianus, pinatubo, long-nosed Luzon forest mouse
Ang Pinatubo volcano mouse. Danny Balete/The Field Museum

Disturbance specialist

Dahil hindi natagpuan nina Balete ang Pinatubo volcano mouse sa kalapit na bundok ng Natib at Tapulao, inisip nilang maaaring sa Pinatubo lang ito nabubuhay, at naging mas malaki ang tsansang naubos ito nang sumabog ang bulkan. Ngunit gamit ang mga patibong na may uod at bukong pinahiran ng peanut butter, nakahuli sila ng Pinatubo volcano mouse at napag-aralan nila ito. (Dahil sa mga patibong na ito’y nalaman din nilang mas mahilig ang Pinatubo volcano mouse sa uod kaysa sa peanut butter.)

Pinaniniwalaang endemiko ang Apomys sacobianus sa Pinatubo. Kalat na kalat ito sa lugar, mula sa mga mababang lugar hanggang sa matataas na lugar. Ang pagdami nito sa paligid ng Pinatubo ay taliwas sa inaasahan ng mga siyentipiko. Lumalabas na ang Pinatubo volcano mouse ay halimbawa ng isang disturbance specialist: hayop na lumalabas ang husay at diskarte sa mga panahon ng sakuna.

Kamangha-mangha ito dahil sa kaalaman ng maraming conservation biologists, ang mga endemikong species na limitado ang distribusyon, lalo na ang mga nasa islang tropikal, ay kadalasang naglalaho sa mga ganitong sitwasyon.

Balik-balikan ang bulkan

Sa isang panayam sa FlipScience, sinabi nina Heaney at Rickart na maigi kung may babalik sa Mt. Pinatubo kada limang taon upang mag-survey at tingnan ang kalagayan ng mga hayop doon.

Ayon kina Leaney at Rickart, magandang pagkakataon daw ito para mapag-aralan kung paano nga ba nagagawa ng mga species kagaya ng Pinatubo volcano mouse ang makabawi pagkatapos ng krisis. Naniniwala rin silang dapat protektahan ang Pinatubo upang lubos na mapag-aralan ito, at upang makatrabaho ng mga researcher ang mga taga-roong nais makitang manumbalik ang buhay at sigla sa paligid ng bulkan.

Ang isla ng Luzon ay ang islang may pinakamalaking bilang ng mga natatanging species ng mammal sa buong mundo. Pagdating sa diversity ng hayop at halaman, ang Luzon – at sa katunayan, ang buong Pilipinas – ay walang kapantay. Kaya importanteng pag-aralan at pangalagaan ang kapaligiran ng Pilipinas, upang ang mga hayop at halaman ay patuloy na mabuhay at dumami dito. Disturbance specialist man o hindi.


References

  • https://www.usgs.gov/news/remembering-mount-pinatubo-25-years-ago-mitigating-crisis
  • https://www.nytimes.com/2021/02/04/science/volcano-mice-pinatubo.html
  • https://philjournalsci.dost.gov.ph/publication/special-issues/biodiversity/104-vol-150-s1/1340-mammals-of-mt-pinatubo-luzon-island-philippines-extreme-resilience-following-catastrophic-disturbance
  • https://phys.org/news/2021-01-rediscovery-extinct-pinatubo-volcano-mouse.html
  • https://thewebsiteofeverything.com/animals/mammals/Rodentia/Muridae/Apomys/Apomys-sacobianus.html
  • http://www.departments.bucknell.edu/biology/resources/msw3/browse.asp?id=13001233
  • https://www.volcanodiscovery.com/pinatubo.html

Flipscience bookorder Flipscience book on Amazonpreorder

Author: Mikael Angelo Francisco

Bitten by the science writing bug, Mikael has years of writing and editorial experience under his belt. As the editor-in-chief of FlipScience, Mikael has sworn to help make science more fun and interesting for geeky readers and casual audiences alike.