DOST, PHIVOLCS
Photo: CRD/DOST-PCAARRD

Pinaalalahanan ng Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang publiko sa mga dapat at hindi dapat gawin upang manatiling ligtas tuwing may pagputok ng bulkan.

Ito ay matapos ang “explosive eruption” ng Bulkang Kanlaon noong ika-3 ng Hunyo, 2024, na nag-udyok sa DOST-PHIVOLCS na itaas ang alert level nito mula Alert Level 1 patungong 2 sa araw ring iyon.

Ang Alert Level 2 ay nangangahulugang may “increasing unrest” ang bulkan dulot ng mababaw na proseso ng magma. Maaari itong humantong sa karagdagang mapanganib na pagputok ng bulkan na may kasamang magma.

Dahilan at epekto ng pagputok ng bulkan

Sa isang panayam ng Philippine News Agency, tinalakay ni DOST-PHIVOLCS Director Dr. Teresito C. Bacolcol na nangyayari ang mga explosive eruption kapag ang naipong volcanic gas sa ilalim ay mabilisang sumisingaw. Ito ay nagdudulot ng biglaang pagbuga na may kasamang abo at basag-basag na bato.

Ayon pa kay Dr. Bacolcol sa isang panayam kasama ang Teleradyo Serbisyo, ang pagputok na naganap bandang alas-6:51 ng gabi ay nagbuga ng asupreng may taas na aabot sa limang kilometro. Tumagal ito ng anim na minuto at sinundan ng malalakas na pagyanig.

“May mga nag-report po sa atin ng ash fall at masangsang na amoy probably from the sulfur dioxide,” ani Dr. Bacolcol.

Alinsunod dito, inirekomenda ng ahensya na iwasan ang pagpasok sa apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Kanlaon dahil sa panganib ng biglaang pagputok, pagbagsak ng bato, at pagguho ng lupa.

Ang mga barangay na sakop ng PDZ ay ang mga sumusunod: Ara-al at Yubo sa lungsod ng La Carlota; Sag-ang, Mansalanao, Cabagnaan, at Biaknabato sa munisipalidad ng La Castellana; Minoyan sa munisipalidad ng Murcia; Masolog, Pula, at Lumapao sa lungsod ng Canlaon; at Codcod sa lungsod ng San Carlos.

Pinayuhan din ang mga awtoridad ng civil aviation na paalalahanan ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng bulkan. Ito ay dahil maaaring maging mapanganib sa mga sasakyang panghimpapawid ang abo mula sa mga biglaang pagputok.

Kaugnay nito, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines, mahigit sa 60 na mga flight mula sa tatlong lokal na mga airline ang nakansela dahil sa presensya ng volcanic ash sa himpapawid. Mahigit 5,000 na mga pasahero ang naapektuhan nito.

Ilang araw matapos ang pagputok, kinumpirma ng DOST-PHIVOLCS na nagdulot ng volcanic sediment flow o lahar ang mga thunderstorm sa bulkan.

Batay sa huling abiso ng ahensya noong ika-7 ng Hunyo, 2024, ang mga lahar na ito ay nagsimula bandang alas-2:50 ng hapon at tumagal ng 80 minuto.

Maaaring magpatuloy nang ilang buwan ang banta ng mga lahar sa panahon ng habagat dahil sa paminsang-minsang malalakas na pag-ulan sa Isla ng Negros.

Mga dapat tandaan

Kasunod ng pag-alburoto ng bulkan, naglabas ang DOST-PHIVOLCS ng mga tagubilin sa kung ano ang dapat gawin tuwing may lahar at ashfall.

Dahil sa panganib ng mga lahar, inirekomenda ng ahensya sa mga yunit ng lokal na pamahalaan at mga komunidad malapit sa ilog na umaagos mula sa timog ng Kanlaon
na patuloy na subaybayan ang kondisyon ng panahon.

Dapat ding magsagawa ng mga hakbang kapag ang malalakas na pag-ulan ay inaasahan o nagsimula na sa mga matataas na dalisdis (slope) ng bulkan.

Sa ilalim ng Alert Level 2, maaaring magkaroon ng mga biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions.

Bago ang ashfall, inirekomenda ng ahensya na ihanda ang mga sumusunod: emergency supply kit; face mask o malinis na telang panakip sa ilong at goggles naman para sa mata; gamit panlinis gaya ng walis, pala, at vacuum cleaner; pagkain at tubig; at mga larong pambahay bilang panlibangan. Kailangang alamin din ang mga lokasyon ng mga evacuation area sa inyong lugar.

Narito naman ang mga payo ng ahensya habang may ashfall:

(1) Manatiling nakatutok sa mga abiso ukol sa pagputok.
(2) Maging mahinahon, manatili sa loob ng bahay, at gumamit ng face masks.
(3) Isara ang mga bintana at pinto at itabi nang maayos ang sasakyan.
(4) Maglagay ng basang tela sa bukasan ng pinto at bintana
(5) Ilipat ang mga alagang hayop sa loob ng bahay o kanilang kulungan
(6) Hugasang mabuti ang mga prutas at gulay.
(7) Huminto sa pagmamaneho at tumabi nang maayos kapag may matinding ashfall.
(8) Magsuot ng goggles habang nasa labas at iwasang gumamit ng contact lens.

Binigyang-diin din ng ahensya ang mga hakbang sa paglilinis pagkatapos ng ashfall.

Unahin ang pagtanggal ng mga naipong abo sa bubong bago linisin ito kasama ang alulod ng tubig. Mahalaga ring basain muna ang mga bintana at pinto bago linisin ang mga ito gamit ang sabon at maligamgam na tubig.

Tiyakin ding malayo sa daanan ng tubig ang mga naipong abo para maiwasan ang pagbara.

Bukod pa rito, pinaalala rin na kailangang pakuluan ang tubig bago inumin, hugasan ang mga damo bago ipakain sa mga alagang hayop, at labhan ang damit na may abo gamit ang sabong panlaba.

Panghuli, protektahan ang ilong, bibig, at mata habang nagtatanggal ng abo sa mga kasangkapan.—Rudy P. Parel, Jr. (Press release from DOST-STII)/MF


Flipscience bookorder Flipscience book on Amazonpreorder