mass testing, covid-19, coronavirus
Getty Images

Ito ang unang bahagi ng isang seryeng may apat na yugto.


Noong nakaraang linggo, nag-eksperimento ako. Namili ako ng ilang kaibigan at kakilala ko sa social media, at isa-isa ko silang tinanong: “Malinaw ba sa’yo ang kahulugan ng ‘mass testing‘?”

Kainitan kasi noon ng isyu tungkol sa kung ano ba talaga ang ibig sabihin n’yan, at kung tama nga bang ‘yan ang itawag sa uri ng COVID-19 testing na kailangan ng Pilipinas. Sa isip ko, dapat madali lang sagutin ‘yang tanong ko; tutal naman, masasagot naman ‘yan ng simpleng “oo” o “hindi.”

Kaya’t aaminin kong medyo nagulat ako sa resulta: Imbes na payak at direktang sagot, ang mga nakuha ko’y mahahabang paliwanag na nagsisimula sa paglilinaw o nagtatapos nang patanong.

“Oo—ang malaking bahagi ng populasyon ay sabay-sabay ite-test.”

“Sa pagkakaintindi ko: Malawakang pag-test sa mga taong posibleng may COVID-19.”

“Sa aking opinyon, ito’y maramihang pag-test sa lahat ng lugar, at hindi lamang pili at kung may sintomas ka.”

“Hindi ba ito pag-test sa iilang tao na kumakatawan sa buong populasyon (ayon sa statistika)?”

Ngunit sa lahat ng mga sagot na nabasa ko, may isang nakakuha talaga ng aking atensyon:

“Ngayong tinanong mo ako n’yan, nagdadalawang-isip na tuloy ako kung tama ba talaga ang pagkakaintindi ko d’yan.”

Napaisip tuloy ako: Malinaw ba sa’kin mismo ang kahulugan ng “mass testing“—at kung may magtatanong ba sa’kin tungkol dito e kaya kong sumagot nang walang pag-aalinlangan?

Ano ba talaga ang kahulugan ng ‘mass testing’?

Maganda sigurong magsimula sa kung ano ba talaga ang ibig nating sabihin sa “mass testing.”

“Kung titingnan natin sa diksyonaryo, ang ibig sabihin ng salitang ‘mass‘ kapag ginamit bilang pang-uri ay ‘participated in by or affecting a large number of individuals,'” ayon kay Dra. Celestine Trinidad, isang patologo’t manunulat. “Kaya ang ‘mass testing‘ para sa COVID-19 kung gayon ay pagsusuri ng maraming mga tao.”

Paliwanag naman ni Dr. Jomar Fajardo Rabajante, isang propesor na miyembro ng University of the Philippines (UP) COVID-19 Pandemic Response Team, na ang kahulugan ng “mass testing” ay nakasalalay sa kung ano ang layunin sa pagsasagawa nito. “Sa ngayon, dalawa ang naiisip kong depinisyon, depende sa pakay.”

Ang una, ayon kay Rabajante, ay test-isolation. Ginagawa ito upang malaman kung sino ang maysakit at maihiwalay sila sa mga walang sakit. “Kapag naihiwalay mo ang may sakit sa walang sakit, posibleng maputol ang transmisyon ng virus, at hindi na kakalat ang sakit,” paliwanag ni Rabajante. Ang test-isolation ay ginagawa bilang bahagi ng clinical decision-making, o ang pagkuha at pagsuri sa datos upang makagawa ng mahahalagang desisyon o aksyong may kinalaman sa mga pasyente, na ginagabayan ng sapat na ebidensya. Sa ganitong depinisyon, isang uri ng test na tinatawag na Reverse Transcriptase-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) ang tanggap na metodolohiya ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan (World Health Organization o WHO).

Ang ikalawang depinisyon ayon kay Rabajante ay ang pagte-test upang malaman kung ilan na ba talaga ang nagkaroon ng COVID-19. Ito naman ang klase ng mass testing na naangkop gawin para sa research studies o pagsasaliksik. “Ang pakay dito ay hindi para mag-isolate ngunit para malaman ang prevalence ng sakit: [kung] gaano na ba kalawak ang nahawa ng COVID-19 sa komunidad (parang survey kumbaga).” Ang paraang ito ng pag-test ay maaaring gamitan ng tinatawag na antibody testing, basta’t nasusunod nito ang mga alituntunin at statistikong pamamaraan ng mga siyentipiko. Sa ganitong test, posibleng mapaganda ang pagtantya sa case fatality rate (ang proporsyon ng populasyong namatay sa COVID-19 sa loob ng isang sukat ng panahon). Ang ganitong klaseng mass testing ay maaaring gamitin kung nais malaman, halimbawa, kung malapit o malayo ba ang isang populasyon sa natural herd immunity; ibig sabihin, kung marami-rami na sa populasyon ang nagka-COVID-19 at may antibodies na panlaban dito, hindi na ito kakalat, at matatapos na ang problema.

(Mahalagang linawin na ito’y halimbawa lamang ng sitwasyon kung saan bagay ang ganitong klaseng pag-test, at hindi pag-endorso sa konsepto ng herd immunity. Base sa kasalukuyang ebidensya, hindi herd immunity ang angkop na solusyon, sapagkat [1] wala pang bakuna sa COVID-19, [2] hindi pa natin matiyak kung ang mga taong gumaling mula sa COVID-19 ay nagkakaroon nga ng pangmatagalan o permanenteng immunity, at [3] masyadong marami ang kailangan munang magkasakit—at posibleng mamatay—sa ganitong senaryo.)

Sa isang pampublikong Facebook post noong April 3, ipinaliwanag ng epidemiyologong si Dr. Edsel Maurice Salvana ang ibig sabihin ng “mass testing” sa wastong konteksto:

Ang mass testing ay hindi pagte-test sa lahat. Ito ay pagte-test ayon sa peligro (risk-based). Ite-test ang mga tao ayon sa kung gaano kataas ang posibilidad na mahawa sila: Una ang mga PUI (pasyenteng inoobserbahan o iniimbestigahan), sunod ang mga taong malapit sa kanila, sunod ang komunidad.

Ang grupong Scientists Unite Against Covid-19—na isa sa mga grupong nangunguna sa panawagan para sa mass testing sa Pilipinas—ay naglabas ng infographic na ipinaliliwanag kung paano masasabing nangyayari na nga ang mass testing na hinihingi ng marami sa social media (#MassTestingNowPH). Ayon sa grupo, ang mass testing ay dapat:

Libre: Hindi dapat ang mga mamamayang Pilipino ang gumastos sa sariling pagpapa-test.

Abot-kamay: Madaling makapagpa-test ang sinumang nangangailangan, nasaang sulok man sila ng Pilipinas.

Napapanahon: Ang resulta’y makuha nang mabilis, at walang backlog (mga test na natetengga o hindi napro-proseso nang matagal).

Kung susuriin ang mga depinisyong naibigay ng mga ekspertong nabanggit, masasabing magkakalapit sila, ngunit hindi isandaang porsyentong pare-pareho. Gayunpaman, kung pagsasama-samahin ang mga depinisyong ito, ganito ang makukuha natin (at sa kabuuhan ng seryeng ito, ito ang depinisyong susundin natin):

Ang mass testing ay ang maramihan, libre, abot-kamay, at napapanahong pagte-test ng mga taong mataas ang posibilidad na may COVID-19, mga taong nakakasalamuha nila, at mga tao sa komunidad nila, upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Malinaw din na nagkakaisa naman sila sa isang napakahalagang punto:

Ang mass testing ay HINDI nangangahulugang pagte-test sa bawat isa sa mahigit 100 milyong Pilipino.

Pero teka, kung naiintindihan naman pala natin na ang hindi ganito ang depinisyon ng mass testing, bakit nababanggit pa rin ang puntong ito sa mga diskusyon tungkol sa mass testing, at kadalasa’y ginagamit pa bilang pangontra sa #MassTestingNowPH?

Tunay nga bang may isyung semantiko rito… o posible kayang iba ang tunay na ugat ng kaguluhang ito? (Basahin ang Part 2 dito.)


(Note: Pinalitan ang “rapid antibody testing” sa naunang bersyon ng artikulong ito ng “antibody testing” upang maging mas malinaw ang nais ipahiwatig nito.)

References

  • effectivepractitioner.nes.scot.nhs.uk/media/254840/clinical%20decision%20making.pdf
  • https://meded.ucsd.edu/clinicalmed/thinking.html
  • https://www.britannica.com/science/case-fatality-rate
  • https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S8755722314000349

Flipscience bookorder Flipscience book on Amazonpreorder

Author: Mikael Angelo Francisco

Bitten by the science writing bug, Mikael has years of writing and editorial experience under his belt. As the editor-in-chief of FlipScience, Mikael has sworn to help make science more fun and interesting for geeky readers and casual audiences alike.