coronavirus, covid-19, mass testing
Getty Images

Ito ang huling bahagi ng isang seryeng may apat na yugto. Basahin ang una, ikalawa, at ikatlong bahagi.


Kahit na naipaliwanag na kung ano ang ibig sabihin ng mass testing at kung anu-ano ang kailangan para mangyari ito, mayroon pa ring tumututol dito.

Magastos nga ba talaga ang mass testing?

Ang isa sa mga pinakamalakas na argumento labas sa mass testing ay ang kaakibat na gastos nito. Diumano’y masyado raw itong mahal, at hindi kakayaning pondohan ng gobyerno.

Ngunit tunay nga bang masyadong mabigat sa bulsa ng bansa ang mass testing?

“Siguro para masagot ito, mag-compute tayo,” paliwanag ni Rabajante. Nagbigay siya ng isang sitwasyong hypothetical: Kung may 15,000 RT-PCR tests kada araw na nagkakahalagang 3,000 piso kada test, kakailanganin ng 45 milyong piso bilang pampondo pa lang para sa mga test. Hindi pa kasama dito ang karagdagang gastusin sa pagpapatayo ng laboratoryo, pagte-train ng mga magsasagawa ng testing, at iba pa. “Kaya kapag mag-dedesisyon, dapat alamin ang gastos at limitasyon (katulad ng supply galing sa ibang bansa at kakulangan sa manpower).”

Ang tanong: Sapat ba itong investment upang magkaroon ng trabaho ang mga tao at makabawi ang ekonomiya? “Kung mas mataas ang kikitain ng gobyerno dahil umaandar ang ekonomiya at kung makakatipid mula sa pagbibigay ng ayuda dahil sa ECQ, baka pwede ngang investment ito. Sa aming models, mainam na magkaroon ng malawakang testing at isolation para mapigilan ang pagkalat ng sakit, para na rin umandar ang ekonomiya at iba pang social activities.

“Malawakang contact tracing din ang kailangan para mas magalugad natin sino ang may risk,” sabi ni Rabajante. “Importante rin na ang pag-detect ng may sakit ay mabilisan para sa simula palang hindi na marami ang mahawa. Ngunit, sa lahat ng ito, kailangan isipin ang cost.”

Maaalala na simula noong March 30, kasabay ng pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang gobyerno’y may mahigit 275 bilyong pisong budget para labanan ang COVID-19, at nadaragdagan ito sa pamamagitan ng patuloy nating pangungutang sa ibang bansa.

Simple naman ang sagot ni Trinidad sa tanong na “Magastos ba talaga ang mass testing?”:

Magastos ito, totoo, at mahirap gawin. Ngunit hindi ito imposible, kung talagang gawin itong prioridad ng pamahalaan.

Dagdag ni Trinidad na maraming alternatibo upang makabawas sa gastos, tulad ng mga gawang Pinoy na GenAmplify COVID-19 test kits“Kahit na hindi pwedeng gamitin ang rapid antibody tests, hindi ibig sabihin na okay lang na hindi tayo talagang magsumikap para makamit ang mass testing sa Pilipinas. Kailangan pa rin ang mass testing gamit ang RT-PCR.

“At kaya natin itong gawin, kahit mahirap, kahit magastos, kung talagang gugustuhin ng ating pamahalaan.”

E paano ‘yung mga bansang hindi naman nag-mass testing?

Minsa’y ibinibida rin ng mga kritiko ng #MassTestingNowPH na marami naman daw ibang bansang hindi nagsasagawa ng mass testing. Ayon sa kanila, ito’y senyales na hindi naman talaga kailangang gawin ang mass testing dito.

Ayon naman kay Rabajante, kanya-kanyang diskarte’t stratehiya ‘yan, kaya’t mahirap magkumpara. “May mga bansa kasi na swak ang stratehiya nila kasi mababa ang population density nila,” paliwanag niya. Ibinigay niyang halimbawa ang Japan, kung saan maaaring sabihin na ang physical distancing ay parang kultura na, kung kaya’t madali itong naisama sa kanilang stratehiyang kontra-pandemya. “Sa ating laban sa COVID-19, hindi pwedeng isang stratehiya lang. Pwedeng ‘mix‘ ng stratehiya.”

Sa pagre-relax ng ECQ sa bansa, iminungkahi ni Rabajante ang “test and isolate” bilang kapalit na stratehiya, maging ang preventive quarantine sa mga lugar na hindi pa nate-test (lalo na kung may risk dito). “Kailangan mag benefit-cost analysis ano ang magandang ‘mix’ ng stratehiya. Kung tingin ng gobyerno na mataas ang risk lalo na mula sa mga presymptomatic at asymptomatic, pwedeng mas lawakan ang testing. Kung tingin ng mga industriya na mas magiging maayos ang kanilang economic activities kapag may testing, dapat itong i-konsider.”

Para naman kay Trinidad, ang pagkukumpara ng ginagawang testing ng ibang bansa sa testing ng Pilipinas (at ang paggamit nito bilang pangontra sa tawag para sa mass testing) ay isang distraction lamang. “Paglilihis nila ito sa talagang isyu na kailangan natin pagtuunan ng pansin: kung nasusuri na ba natin lahat ng kailangan masuri. Kung hindi pa—bakit? At ang mas importanteng tanong: Paano natin mapapabilis ang proseso ng pagpalaki ng ating kapasidad para sa pagsuri ng COVID-19?

Paano kung wala talagang mass testing na mangyari?

Sa pagsasailalim ng Metro Manila at ibang mga bahagi ng Pilipinas sa GCQ ngayong linggo, nagbabala ang Palasyo na maaaring ibalik sa ECQ o MECQ ang mga lugar kung saan hindi nasusunod ang physical distancing at iba pang mga pangontrang stratehiya sa COVID-19.

Ngunit ito nga ba talaga ang tamang solusyon sa ganoong sitwasyon? At kung wala man talagang mass testing na mangyari… Ano na ang mangyayari?

Kung hindi tayo mag-mass testing, hindi rin magiging malinaw kung paano natin mapapakaunti na ang numero ng mga taong may COVID-19,” sabi ni Rabajante. “Hindi natin kayang mag-lockdown habang buhay.”

Binanggit din ni Rabajante ang kahalagahan ng pag-identify sa kung sinu-sino talaga ang may COVID-19, upang hindi nila ito maikalat nang lingid sa kanilang kaalaman. “Ang problema pa sa COVID-19, kahit mga taong walang sintomas may posibilidad pa rin na makahawa, ayon sa mga lumabas na mga pag-aaral. Kaya hindi sapat na mga taong may sintomas lang ang ilayo mo sa iba, kailangan talaga sila i-test. [At] kapag na-test ng negative ngayon, pwede mahawa pa rin sa susunod na araw.”

Paalala ni Rabajante, maaaring maging mas mahaba pa ang laban sa COVID-19. “Kaya dapat maayos ang paggawa ng stratehiya at benefit-cost analysis, at dapat ‘future thinking‘ din ang gamitin.”

Para kay Rabajante, mas maiging isali rin ang mga eksperto sa ekonomiya sa mas malawak na diskusyon ng mass testing. Sa kabila nito, may isang bagay na talagang malinaw para sa kanya: “Kailangan ng testing para magamot nang tama ang may COVID-19.”

“Wala na tayong panahon para sa pagdadahilan,” giit ni Trinidad. “May mabigat na problema na kailangan ng solusyon sa lalong madaling panahon. Gawan natin ng paraan.


Balikan ang mga naunang bahagi:

Part 1

Part 2

Part 3

References

  • https://business.inquirer.net/298615/ph-adds-1-25b-in-loans-to-war-chest-vs-covid-19
  • https://www.onenews.ph/ncr-other-areas-may-revert-to-ecq-are-the-people-responsible-if-this-happens
  • https://www.rappler.com/newsbreak/in-depth/257182-explainer-funding-fight-vs-coronavirus

Flipscience bookorder Flipscience book on Amazonpreorder

Author: Mikael Angelo Francisco

Bitten by the science writing bug, Mikael has years of writing and editorial experience under his belt. As the editor-in-chief of FlipScience, Mikael has sworn to help make science more fun and interesting for geeky readers and casual audiences alike.