smoking, smoking ban, smoking ban philippines, smoking in the philippines
Tiểu Linh/Pexels

(Original article in English by Mikael Angelo Francisco; translation by Pearl Uy) Iba’t ibang stratehiya na ang naisagawa upang tulungan ang mga naninigarilyong huminto sa kanilang bisyo — kabilang na rito ang pag-usbong ng e-cigarettes, na pinangangambahan ng mga ekspertong magdadala ng panibagong krisis pangkalusugan — ngunit ang pinakatinding aksyong isinakatuparan ng maraming mga pamahalaan sa buong mundo ay ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Hindi na bago ang ideya ng pagbabawal ng paninigarilyo sa Pilipinas. Sa katunayan, ang Tobacco Regulation Act of 2003 ay ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Kabilang dito ang mga paaralan, ospital, opisinang pampamahalaan, at pampublikong terminal. Maliban dito, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte — isang maninigarilyo rin noon — ang Executive Order No. 26 noong Mayo 16, 2017, kung saan isinusulong ang pagtaguyod ng “smoke-free environments in public and enclosed places” sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga DSA (designated smoking area) para sa mga naninigarilyo. Kadalasang matatagpuan ang mga DSA sa mga bar, nightclub, iilang opisina, at pampublikong sasakyang pangtubig.

Sa kasalukuyan, isinusulong sa kongreso ang isang panukala na naglalayong palawakin ang nasasakupang batas ng Tobacco Regulation Act of 2003 sa pamamagitan ng pagpapalawak ng sakop nito sa lahat ng klase ng indoor public smoking. Ang tanong: Tunay nga bang epektibo ang smoking ban? Napipigilan nga ba talaga nito ang patuloy na paninigarilyo ng karamihan? At higit sa lahat, sapat na ba ito upang mabigyang-solusyon ang malawakang suliranin sa paninigarilyo?

Paninigarilyo sa bansa

Sa kabila ng samu’t saring aksyong inilapat ng mga mambabatas ng bansa upang solusyonan ang problema sa tabako, nananatiling mataas ang porsyento ng mga gumagamit nito.

Ayon sa isang istatistika mula noong 2015, mahigit ¼ ng populasyon ng mga Pilipino edad 15 pataas ang gumagamit ng produktong tabako; 40% nito ay kalalakihan, habang 5% ay kababaihan. Sa kabilang banda, ipinapakita sa isang pag-aaral mula noong 2017 na 16% ng mga Pilipino edad 13 hanggang 15 ang gumagamit ng produktong tabako, habang 12% ay gumagamit ng sigarilyo.

Ayon naman isang pagsusuri mula noong 2020, sanhi ng pagkamatay ng halos 110,000 Pilipino kada taon ang mga sakit mula sa paggamit ng tabako. Ang patuloy na paggamit ng tabako ay sinasabing nagdulot sa higit 23% na pagkamatay ng mga kalalakihan, habang 12% naman ay para sa kababaihan. Ang usok naman na nagmumula sa tabako — kabilang ang secondhand smoke — ang sinsabing dahilan ng 21.8% na kabuuang bilang ng pagkamatay ng kalalakihan, at 9.7% sa kababaihan.

Sa kaparehong taon na naaprubahan ang Tobacco Regulation Act, nilagdaan ng bansa ang Framework Convention on Tobacco Control ng World Health Organization (WHO), ang kauna-unahang kasunduan ukol sa pampublikong kalusugan. Lumagda ang 167 iba pang mga bansa upang itaguyod ang “common goals” ukol sa regulasyon ng tabako, pagtataguyod ng “minimum standards for tobacco control policy”, pagsusulong ng mga bagong batas upang puksain ang passive smoking sa mga pampublikong lugar, transportasyon, at opisina, at lutasin ang problema sa patuloy na pagpuslit ng tabako at iba pang “cross-border challenges” na kinabibilangan ng mga ito.

Suliranin ng lahat

Halos isang siglo na ang nakalipas nang nagsimula ang usapin tungkol sa panganib na dulot ng paninigarilyo ng tabako, ngunit nananatili pa rin itong isang pandaigdigang suliranin. Isang halimbawa na nito ang nangyari noong taong 1898, kung saan si Hermann Rottman, isang estudyanteng nag-aaral ng medisina, ang nagmungkahi na maaaring magdulot ng kanser sa baga ang tabako batay sa biglaang pagdami ng bilang ng mga trabahador sa mga pabrika ng tabako na nagkaroon ng tumor sa baga.

Subalit, mali ang ideya ni Rottman na alikabok mula sa tabako ang sanhi ng kanilang pagkakasakit. Paglipas ng labing-apat na taon, naitama rin ito ng isang Amerikanong doktor matapos pag-aralan ang matinding pagtaas ng bilang ng may kanser sa baga. Gayunpaman, ipinahayag pa rin nito ang pangangailangan sa higit na malalim na pananaliksik, at ipinahiwatig na maaaring ang pagsabay sa paninigarilyo ng labis na pag-inom ang maaaring magdulot nito. Sa sumunod na dekada, nagkaroon din ng samu’t saring paliwanag ang ibang mga eksperto sa maaaring magdulot ng sakit sa basa, kabilang ang polusyon sa hangin at alikabok mula sa aspalto. Sa paglipas ng panahon, naging malinaw na paggamit ng tabako ang pinakamatinding nagdudulot ng sakit sa baga.

Ayon sa WHO, hindi kinakailangang manigarilyo ng tabako upang magkasakit o mamatay dahil dito. Batay sa kanilang pag-aaral, mahigit-kumulang 600,000 sa anim na milyong kaso ng pagkamatay na may kaugnayan sa tabako ay dahil sa secondhand o passive smoking.

Bukod sa hindi kaaya-aya ang pagsinghot ng usok mula sa paninigarilyo, delikado rin ito. Ang mga carcinogenic (cancer-causing) compound katulad ng formaldehyde, toluene, at vinyl chloride ay ilan lamang sa 7,000 nakamamatay na kemikal na maaaring magmula sa sigarilyo sa oras na sindihan ito ng tao. May mga katibayang nagtuturo sa secondhand smoke inhalation bilang pangunahing salik sa pagpapataas ng posyentong ang isang tao’y magkaroon ng brain tumor, heart disease, stroke, at iba’t ibang uri ng kanser.

Kasaysayan ng mga smoking ban

Bago pa man naipalaganap ang impormasyon tungkol sa pinsalang maaaring maidulot ng paggamit ng tabako ay mayroon nang mga smoking ban. Ayon sa iba’t ibang pag-aaral, ipinagbabawal na ang paninigarilyo mula noong ika-16 at ika-17 na siglo pa lamang. Pinagbawalan ng mga simbahan sa Mexico ang mga pari na manigarilyo noong 1575, habang idineklara naman ng Japan na iligal ang paggamit ng tabako 45 na taon makalipas nito. Sa kabilang banda, higit na naging marahas ang patakaran ng mga lider ng Tsina noong 1600, kung saan maaari nilang pugutan ng ulo ang mga mahuhuling nagtitinda o gumagamit ng tabako.

Partikular na bocal sa pagbatikos ng paggamit ng tabako si King James I mula sa Inglatera. Bukod sa pagpapataw ng napakataas na buwis dito, sinulat niya ang mga sumusunod sa kaniyang treatise na pinamagatang “A Counterblaste to Tobacco” noong 1604:

“Ang paninigarilyo ng tabako ay hindi kaaya-aya, masangsang sa ilong, masama para sa pag-iisip, at delikado para sa baga. Katulad ito ng kilabot na hatid ng napakaitim na usok na tila mula sa walang-hanggang bangin.” (“[Smoking tobacco is] a custom loathsome to the eye, hateful to the nose, harmful to the brain, dangerous to the lungs, and in the black, stinking fume thereof, nearest resembling the horrible Stygian smoke of the pit that is bottomless.”)

Sa Estados Unidos, ipinasa ang isang batas sa Massachusetts noong 1632 na nagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Sa paglipas ng panahon, napabilang ang California at New York sa mga mga estadong nagpataw ng mahigpit na mga regulasyon ukol sa paninigarilyo sa pampublikong mga lugar.

Pagdating ng ika-20 na siglo, kung saan higit na kapansin-pansin ang peligro na dulot ng paninigarilyo, pati ang mga Nazi ay umaksyon na rin. Mula sa unang mga bahagi ng 1930s patungo sa gitnang bahagi ng 1940s, mahigpit na ipinagbawal ng mga puwersa ni Adolf Hitler ang pag-aalok ng tabako at paninigarilyo sa pampublikong lugar. Nagbigay din ang mga ito ng malaking pondo para sa pagsasaliksik upang mas mapag-aralan ang kaugnayan ng paggamit ng tabako at kanser sa baga. Gayunpaman, kinakailangang maintindihan na ang nagtulak sa inisyatibong ito ng mga Nazi ay hindi kawanggawa, kundi para mapanatili ang diumano’y “racial and bodily purity” ng tinagurian nilang “Aryan race” na lubos nilang pinahalagahan.

Sa kabila ng pagdami ng mga siyentipikong ebidensya na nagtuturo sa paninigarilyo bilang sanhi ng mga nakamamatay na sakit — kabilang ang isang 1964 na report mula sa U.S. Surgeon General, na kauna-unahang nakapagpakita ng malinaw na koneksyon sa pagitan ng kanser sa baga at paninigarilyo — patuloy pa rin ang mamamayan sa paninigarilyo. Sa katunayan, umabot sa 635.1 bilyong piraso ng sigarilyo ang naibenta noong 1980, kahit na noong mga panahong iyo’y nagsimula nang lumaganap ang anti-smoking movement.

Kanya-kanyang diskarte ang iba’t ibang bansa sa pagbabawal ng paninigarilyo upang tuluyang wakasan ang pinsalang hatid nito. Lumikha ng kasaysayan ang Ireland noong Marso 29, 2004, sapagkat sila ang unang bansang tuluyang ipinagbawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Matapos ang isang taon, ang Bhutan naman ang naging kauna-unahang bansang tuluyang ipinagbawal ang paninigarilyo.

Tunay nga bang epektibo ang mga smoking ban?

Maraming siyentipikong ebidensya ang nagpapatunay na epektibo ang pagbabawal ng paninigarilyo, lalo sa mga opisina at paaralan.

Isang sarbey mula sa 1999 na kinabibilangan ng “nationally representative sample” ng 97,882 mga manggagawang “indoor” mula sa Estados Unidos ang nagpakita na nabawasan ng anim na porsyento ang paninigarilyo sa mga opisinang tuluyang ipinagbawal ang paninigarilyo. Dagdag pa rito, bumaba din ng 14% ang araw-araw na paninigarilyo ng mga taong nagtatrabaho. Sa kabila nito, mapapansin din ang pagbaba ng epekto nito sa mga opisinang nagtalaga ng lugar kung saan maaaring manigarilyo. Sa kabuuan, natuklasan ng mga mananaliksik na nakatutulong ang mga polisiya sa pagbabawal ng paninigarilyo sa halos lahat ng industriya, at iminungkahing magreresulta sa pagbaba ng 10% ng patuloy na paninigarilyo kung tuluyan itong ipagbabawal sa mga opisina.

Isang pagsasaliksik din mula 2011 na inilathala sa pahayagang Preventive Medicine ang nagpakita na epektibo ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga paaralan upang mabawasan ang paninigarilyo ng mga estudyante. Sa loob ng dalawang taon, ikinumpara ng mga may-akda ng pananaliksik ang mga pag-uugali ng mga estudyante mula sa dalawang paaralan: isang may “campus-wide smoke-free air policy,” at isang wala nito. Natuklasan nilang tunay na naapektuhan ng pagbabawal sa paninigarilyo ang mga pananaw at aksyon ng mga mag-aaral ukol dito; higit nilang naunawaan ang maaaring maging masamang epekto ng paninigarilyo, na naghikayat sa kanilang layuan ang bisyong ito.

Nagbunga din ng mga positibong resulta ang pagbabawal ng paninigarilyo sa loob ng mga kabahayan, batay sa mga natuklasang sa isang pag-aaral noong 2013 mula sa University of California, San Diego School of Medicine na sinuri ang 1,718 naninigarilyo sa California. Ipinaliwanag ng may-akda ng pag-aaral na si Dr. Wael K. Al-Delaimy na:

“Kapag tuluyang ipinagbawal ang paninigarilyo sa loob ng mga kabahayan, natuklasan naming higit na nababawasan ang paggamit ng tabako at nahihikayat ang mga maninigarilyong huminto, kumpara sa kung hahayaan silang manigarilyo sa iilang parte ng kanilang mga bahay.” (“When there’s a total smoking ban in the home, we found that smokers are more likely to reduce tobacco consumption and attempt to quit than when they’re allowed to smoke in some parts of the house.”)

Naobserbahan ni Al-Delaimy at ng kanyang mga kapwa may-akda ang kaparehong kaugalian ng mga naninigarilyo sa mga lugar na ipinagbawal din ang paninigarilyo. Epektibo umano sa pagpapabago ng ugali sa paninigarilyo ng mga kababaihan at mga may edad 65 pataas ang tuluyang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga kabahayan, habang mapapansin din ang pagbaba ng paninigarilyo ng mga kalalakihan sa mga lungsod na nagsagawa ng mga city-wide smoking ban.

Sa isang pagsusuri noong 2016 ng 77 pag-aaral tungkol sa mga smoking ban, napagtuklasan ng mga mananaliksik na may mabisang ebidensyang nagpatunay na bumaba ang mga kaso ng nagkaroon ng sakit sa puso at namatay dulot ng mga sakit galing sa paninigarilyo. Dagdag pa rito, higit na bumaba ang mga dinala sa ospital dahil sa sakit sa puso sa mga populasyong kinabibilangan ng mga hindi naninigarilyo. Bumaba din ang bilang ng mga buntis na naninigarilyo, na nagresulta naman sa pagbaba ng secondhand smoke exposure para sa mga bata. Ayon din sa lima sa anim na pag-aaral, may kinalaman ang pagbaba ng mga pasyenteng dinala sa ospital dahil sa stroke sa pagbabawal ng paninigarilyo.

Panghuli, napag-alaman din mula sa samu’t saring pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa United Kingdom na bumaba hanggang 93% ang lebel ng polusyon sa hangin noong 2007 sa mga bansang nagsagawa ng pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, opisina, at mga sasakyang ginagamit sa trabaho. Higit ding bumaba ang bilang ng mga pasyenteng inatake sa puso at dinala sa ospital. Bumaba rin noong 2010 ang bilang ng mga bata sa Scotland na dinala sa ospital dulot ng asthma, na siyang pumigil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso nito bago ang smoking ban.

Sapat ba ang pagkakaroon ng mas mahigpit na pagbabawal sa paninigarilyo?

Ayon sa Executive Order (EO) ni Duterte mula 2017, may mahigpit na parusa at mataas na multa sa mga magtatangkang manigarilyo sa mga lugar na hindi ng designated smoking areas (kabilang ang mga paaralan, recreational facilities, ospital, clinic, at kainan): maaaring magbayad ng 10,000 piso at makulong ng hanggang apat na buwan ang mga mahuhuli. Ayon sa mga pag-uulat, hindi nagtagal at nabago ang kaugalian ng mga mahilig manigarilyo sa mga pampublikong lugar. Ibinalita ng ilang mga news outlet na kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga ito anim na buwan matapos ipahayag ang EO ng pangulo.

Gayunpaman, sa isang bansang may 16.5 milyong gumagamit ng tabako (mula sa data noong 2015), hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng mas mahigpit na pagbabawal sa paninigarilyo upang bigyang-solusyon ang kasalukuyang problema sa tabako.

Sa isang panayam noong 2017, ibinahagi ni Dr. Glynna Ong-Cabrera, direktor ng Smoking Cessation sa Lung Center of the Philippines, ang ilang paraan upang tuluyang huminto sa bisyo ang mga naninigarilyo. Bukod sa pagbibigay ng malinaw na rason at pagtatakda ng araw na kinakailangang nilang huminto, nakatutulong din umano ang pagkakaroon ng kapamilya’t kaibigan na maaari nilang kausapin sa oras na makaramdam sila na gusto nilang manigarilyo muli.

“Nakikita ko ang paninigarilyo bilang paunang problema lamang. May higit na matinding problema [kung bakit naninigarilyo ang mga tao].” (“I see smoking as the tip of the iceberg. There’s an underlying problem [as to why people smoke].”)

Bagama’t sinusuportahan ng siyensya ang pagiging epektibo ng mga smoking ban, mahalagang alalahanin din na higit sa lahat, ang pagnanais ng mga maninigarilyo na tigilan ang masamang bisyo ang pinakamahalaga, magsagawa man ng pagbabawal dito o hindi.

Parte ang istoryang ito sa Cycle 5 ng “Nagbabagang Kuwento: Covering a Smoke-Free PH Media Fellowship” mula sa Probe Media Foundation Inc. (PMFI) at Campaign for Tobacco-Free Kids (CFTK). Ang mga pananaw at opinyon mababasa sa istoryang ito ay maaaring hindi mula sa kabuuan ng PMFI at CTFK.


References

  • https://asia.nikkei.com/Politics/Duterte-s-smoking-ban-proves-a-success-in-Manila
  • https://doh.gov.ph/Tobacco-Control-Key-facts-and-Figures
  • https://nap.nationalacademies.org/read/12649/chapter/7
  • https://newsinfo.iu.edu/news/page/normal/19589.html
  • https://nypost.com/2010/12/19/could-smoking-become-extinct/
  • https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/8973234/
  • https://tobaccocontrol.bmj.com/content/21/2/87
  • https://tobaccocontrol.bmj.com/content/tobaccocontrol/8/3/272.full.pdf
  • https://vizhub.healthdata.org/gbd-compare/
  • https://www.bhf.org.uk/informationsupport/heart-matters-magazine/news/smoking-ban
  • https://www.cochranelibrary.com/cdsr/doi/10.1002/14651858.CD005992.pub3/full
  • https://www.cnnphilippines.com/news/2017/07/14/Nationwide-smoking-ban-July-23.html
  • https://www.evidentlycochrane.net/national-smoking-bans-are-good-for-your-health/
  • https://www.flipscience.ph/health/philippines-science-evidence-based-vaping-regulations/
  • https://www.flipscience.ph/health/the-sin-of-standing-there/
  • https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/healthandwellness/628953/want-to-quit-smoking-remember-these-7ds/story/
  • https://www.sciencedaily.com/releases/2013/12/131218152549.htm
  • https://www.tobaccocontrollaws.org/legislation/country/philippines/summary
  • https://web.archive.org/web/20041117032449/http://www.who.int/tobacco/framework/countrylist/en/

Flipscience bookorder Flipscience book on Amazonpreorder