Taon-taong ipinagdiriwang ng mga bird-watcher at dalub-ibon ang World Migratory Bird Day upang mas mabigyang-pansin ang mga ibong migratory (o mga ibong lumilipad papunta sa ibang dako ng mundo sa tuwing taglamig) at ang kahalagan ng pag-protekta sa kanila.
Sa totoo lang, lingid sa kaalaman ng maraming mga Pinoy na may ganito palang pagdiriwang taon-taon. Gayun pa man, mahalaga pa rin ang pagdiriwang na ito, lalo na’t kilala ang Pilipinas bilang santuwaryo ng iba’t-ibang uri ng ibong migratory.
Ngunit bakit nga ba nagma-migrate ang mga ibon? At bakit maraming ibong nagtutungo sa Pilipinas sa tuwing darating ang panahon ng taglamig sa ibang bansa?
Heto ang limang mahahalagang bagay na maaaring hindi mo pa alam tungkol sa mga ibong migratory sa Pilipinas.
1. Taon-taon tayong dinadalaw ng mga ibong migratory.
Ang mga pagbabago sa klima ay nakaaapekto sa kasaganahan ng pagkain sa isang lugar. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit maraming espesiye ng hayop, kabilang na ang mga ibon, na panandaliang lumilipat sa mas maiinit na lugar sa pagsapit ng taglamig. Ang pag-migrate ay nakatutulong sa kanila, hindi lamang sa pamumuhay ng komportable sa mas mainit na kapaligiran, kundi pati rin sa paghahanap nila ng pagkain sa mga panahong ito.
Ang Pilipinas ay nabibilang sa tinatawag na East Asian/Australasian Flyway. Dahil dito, nakatatanggap ang Pilipinas ng mga bisitang ibon mula sa Tsina, bansang Hapon, Russia, at iba pang bahagi ng mundo. Kadalasa’y nagaganap ang migration ng mga ibong papuntang Timog sa mga buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre. Samantala, ang mga ibong patungong Norte naman ay dumadaan sa Pilipinas sa pagitan ng Pebrero at Abril.
2. Mahalaga ang ginagampanang papel ng Pilipinas sa migration ng mga ibon.
May isandaan at labimpitong (117) lugar sa Pilipinas na itinuturing na Important Bird Area (IBA), na sumasaklaw sa tatlumpu’t dalawang libo, tatlong daa’t dalawang kilometro kwadrado (32,302 km²). Apatnapu’t pito (47) sa mga ito ay kabilang sa mga lugar na protektado (protected area), dalawampu’t tatlo (23) ang bahagyang protektado, at apatnapu’t pito ang hindi protektado. Ang mga IBA ay nagsisilbing kanlungan ng humigit-kumulang sa isandaa’t labinlimang (115) ibong-tubig na nanganganib na maubos (“Threatened” status). Malalaki at maramihang langkay ng ibon ang naninirahan sa mga IBA, kung kaya’t napakahalaga nila sa pagpigil sa pagkaubos ng mga ibong ito.
3. May mahigit 600 espesiye ng ibon sa Pilipinas—at marami sa kanila ang migratory.
Sa mahigit anim na raang (600) espesiye ng ibon sa Pilipinas, isandaa’t limampu (150) sa kanila ang migratory. Ang ilan sa mga ito ay ang grey heron, purple heron, peregrine falcon, at northern shoveler. Isa ring halimbawa ang Philippine mallard o itik, na kabilang sa halos dalawandaang (200) ibon na endemiko sa Pilipinas.
4. Ang pagdating ng mga ibong migratory sa Pilipinas ay magandang senyales.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagsulpot ng mga ibong migratory sa isang lugar?
“Ang mga ibon ay nananatili sa isang lugar kung sagana ito sa pagkain, hangga’t hindi sila nagagambala o nalalagay sa peligro sa kanilang pagbisita,” ayon kay Dir. Theresa Mundita Lim ng Kawanihan ng Pamamahalang Pangkapaligiran (Environmental Management Bureau) sa ilalim ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas Yaman (Department of Environment and Natural Resources).
Kapag dinarayo ng mga ibong migratory ang isang lugar, nangangahulugan ito na ang lugar na ‘yon ay may mga katangiang angkop sa migration (tulad ng saganang pagkain at maaliwalas na klima).
“Ang mga ibong migratory ay may ginagampanang mahahalagang tungkulin sa mga magkakaugnay na sistemang pinananatiling malusog ang kalikasan, tulad ng polinisasyon (pollination) at pagpapakalat ng binhi para sa pagkain ng tao at ng mga hayop na inaalagaan upang ipagbili o katayin; pagpuksa sa mga peste; at ang pagkakaroon ng maipagmamalaki ng mga kultura sa iba’t-ibang panig ng mundo,” paliwanag ng Food and Agriculture Organization (FAO) noong World Migratory Bird Day ng taong 2012.
5. May mga batas tayo na ipinagtatanggol ang mga ibong migratory.
Pinangangalagaan ng ilang batas sa Pilipinas ang kaligtasan ng mga ibong migratory. Ang isa sa mga ito ay ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act (Republic Act 9147), na naglalayong:
(a) ipagtanggol ang iba’t-ibang espesiye at kanilang mga tirahan, upang mapanatili ang balanse ng kalikasan at lalong mapaganda ang biyolohikong dibersidad (biological diversity);
(b) kontrolin ang panghuhuli at pagbebenta ng iba’t-ibang espesiye;
(c) ipagpatuloy, sang-ayon sa pambansang interes, ang paninidigan ng Pilipinas na makilahok sa mga pandaigdigang kasunduan ukol sa pagtatanggol ng iba’t-ibang espesiye at kanilang mga tirahan; at
(d) simulan at suportahan ang mga siyentipikong pag-aaral ukol sa pagpapanatili ng biyolohikong dibersidad.
Isang mundong pinag-uugnay ng mga ibong migratory
Sa taong 2020, ang World Migratory Bird Day ay may temang “Birds Connect Our World” (“Pinag-Uugnay-Ugnay Ng Mga Ibon Ang Ating Mundo”). Ang kampanyang ito ay pinangungunahan ng United Nations (UN), at naglalayong mas mabigyang-pansin ang mga ibong migratory at ang kahalagahan ng pagtutulong-tulong ng mga bansa upang sila’y iligtas mula sa pagkaubos.
Basahin ang artikulong ito sa Ingles.
Pangunahing larawan: (Mula sa kaliwa, pataknaan: Northern Shoveler, Peregrine Falcon, Purple Heron, Grey Heron) Birdwatch.ph contributors
Sanggunian
- http://www.birdwatch.ph/html/gallery/gallery1.html
- http://www.pna.gov.ph/articles/1051019
- https://businessmirror.com.ph/philippines-haven-for-migratory-birds/
- https://www.denr.gov.ph/news-and-features/latest-news/53-migratory-bird-sites.html
- https://www.lawphil.net/statutes/repacts/ra2001/ra_9147_2001.html
Author: Mikael Angelo Francisco
Bitten by the science writing bug, Mikael has years of writing and editorial experience under his belt. As the editor-in-chief of FlipScience, Mikael has sworn to help make science more fun and interesting for geeky readers and casual audiences alike.